Thursday, July 19, 2007

Isang Pagkilala sa Sarili (Tagalog naman!)

Minsan, nakakatuwa na isipin na may mga pagkakataon na kung saan naipapagmalaki natin sa ating mga sarili na ang may kaalaman tungkol sa ating mga sarili ay ang ating mga sarili din. Madalas mangyari sa akin iyon. Ngunit, di lingid sa akin, nagiging sanhi din ito ng hindi pagkakakintindihan at sa kalaunan…tila darating tayo sa konklusyon na mali pala ang ating ipinagmamalaki.

Sa madami at tila sunod-sunod na pagkakataon na dumating iyon sa aking buhay, mga tanong ang tumatanim sa aking isipan. Nakakatuwa, ang mga tanong na nasa aking isipan ay tumugma sa mga tanong na nakasaad bilang gabay sa paggawa ng pagsalamin sa sariling ito.

Una, ang tanong na ukol sa mga pinahahalagahan. Ano nga ba ang mga bagay na pinahahalagahan ko? Ano ang mga bagay na isinasaalang-alang ko? Sa unang tingin, sobrang napakarami ng mga ito. Pinahahalagahan ko ang aking sarili, ang aking pamilya, ang kalayaan, dignidad, kapayapaan ng sarili, at kahit ang aking pakikibilang. Pinapahalagahan ko rin ang opinyon ng ibang tao, ngunit sa lebel lamang ng pananalamin sa aking sarili. Pinapahalagahan ko rin ang katotohanan, responsibilidad, pagtulong at komitment. Pinahahalagahan ko ang mga maliliit na bagay na bumubuo sa aking sarili, maging ito man ay panloob o panlabas lamang. Sa aking paniniwala, ang mga pinahahalagahan kong ito ay isa sa mga sangay kung saan nakikita ko at nakikilala ko ang aking sarili. Sabi nga ng iba: “Sabihin mo sa akin kung sino ang iyong mga kaibigan, at sasasbihin ko sa iyo kung sino ka”. Sa analohiyang ito, ang mga bagay na pinahahalagahan ko ay tila mga kaibigan na maaring magsalamin sa akin upang makita ko ang aking pagkatao at pagka-tao sa kabuuan.

Ano ang aking mga pinaniniwalaan? Sa pagtagal at pag-usad ng panahon, ang aking mga mababaw na paniniwala ay unti-unting nawala sa aking isipan, ngunit ang mga malalalim at mahahalagang paniniwala ay nanatili. Naniniwala ako na mayroong Diyos, na bagamat iba-iba ang katawagan, iisa pa rin. Naniniwala ako sa pag-ibig, na pinagmumulan ng kabutihan at nagpapalabas sa tunay na kulay ng isang tao. Naniniwala ako sa karapatan ng tao na maging malaya at matuto na gamitin ang isip, hindi lamang upang maabot at katotohanan, ngunit upang malaman din ang nilalaman ng isipan. Nainiwala ako sa kapatawaran ng kasalanan at pagkukulang, maging ito man ay sa sarili, o sa iba, o maaari rin naman sa DIyos. Naniniwala ako sa katotohan, na kahit ito man ay bunga ng iba’t-ibang paraan ng pagtuklas at pagkakaalam, ay iisa pa rin.

Ano- ano ang aking mga kailangan? Isa sa mga kinakailangan ko ay oras para sa aking sarili at sa mga bagay na pinahahalagahan ko. Nakakalungkot isipin, hindi ko ito nagagawa ng madalas. Kailangan ko rin ng pang-unawa sa minsang pagiging iba ng aking isipan at pagintindi ukol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa aking kapaligiran. Kailangan ko ng mga tao na makikinig at makakintindi ng aking mga iniisip at nadarama. Kung sa pansarili naman ang pag-uusapan, kailangan ko ng kapayapaan ng isip, lalong matinding paniniwala sa kakayanan ko, at paniniwala sa ibang tao. Alam ko na matibay na ang aking paniniwala sa Diyos, ngunit kung hindi man lubos, nangangailangan pa rin ako ng tibay at tatag ng pananampalataya sa kanya. Minsan kasi, nararamdaman ko na tila umaalpas ang aking kamay sa kanyang pagkakahawak.

Sa lahat ng aking nabanggit, huli kong tanong sa sarili ko sa pagkakataong ito: Nasaan na nga ba ako? Sino na nga ba ako?

Ako ay isang nilalang, isang tao na patuloy na naglalakas sa napakahabang landasin ng buhay, na sa bawat liko ay nag-iisip kung saan ba ako nababagay na magpatuloy. Kakatuwa, minsan rin ay naitatanong ko sa sarili kung bakit ko nga ba napili ang daang dinaanan ko. Ngunit, kung ano man ang maihahandog sa akin ng aking pinili, alam ko na ito’y sa akin.

No comments: